sa kadiliman ng gabi
Saturday, June 30th, 2007natatanaw ko na ang kadiliman ng kalangitan,
nawawala ang liwanag ng buwan at mga bitwin;
tila nababalot ng madilim na ulap at kalungkutan,
kasama ang mabigat na simoy na bumabalot sa isipan…
naaalala ang bawat minutong namunga ng ngiti,
at ang mga alaalang sa tuwina’y mamumutawi;
ang noong nababalot ng walang kapalit na ligaya,
ay nanahan na lamang sa sakit at dusa,
ninanais sanang maibalik ang kahapon,
ngunit ‘di mahayaan, ni mapagbigyan ngayon;
nanghihingi ng katarungang nais sanang makamit,
ang bawat sandaling ‘di ninais mawaglit…
ngayong gabi, nakadungaw ako sa kalayuan,
kasama ang papawiring kalakip ay kadiliman;
maya-maya pa’y sasang-ayon din ang langit,
kasama ko s’yang luluha’t titigil ng ilang saglit…
ngayon alam mo na kung ano ang pakiramdam,
kung paano mabuhay sa dilim ng kawalang pag-asa…